Monday, August 27, 2012

Paggunita Sa Araw Ng Kagitingan sa Pilipinas, Ika-26 Agosto 2012


Paggunita
Sa
ARAW NG KAGITINGAN
(Ika-26 Agosto 2012)


Kilusang Makabayan...
 Kahapon... Ngayon... at Bukas

MENSAHE


Leon Estrella Peralta at Ka Nitz (Vice-Chair KMU-Women's Affairssa isang pagkilos sa Mendiola



NASYONALISMO ang nagtulak sa ating mga BAYANI noon upang bumuo ng Kilusang Makabayan, para isulong ang himagsikan laban sa Kolonistang Kastila at Imperyalistang Amerikano upang makamit natin ang kalayaan ng ating bansa.  Nasyonalismo rin ang nagtulak sa mga Pilipino upang bumuo ulit ng Kilusang Makabayan para labanan ang pananakop ng Pasistang Hapones sa ating bayan.  Nasyonalismo ng mga Kilusang Makabayan na ito ang tutuong nagligtas sa ating bayan sa mga manlulupig na ito, na ang hangad lamang sa ating bayan ay ang ating likas na kayamanan.

Ngunit, tunay ba ang nakamit nating Kalayaan o Independensya sa mga Amerikano noong Hulyo 4, 1946?  Tunay lamang ito sa pagpapatakbo ng ating pamahalaan ngunit ang ating pambansang ekonomiya ay nanatili ang kanilang kontrol sa sistemang “FREE TRADE” ng mga Amerikano.  Iniluluwas natin ang ating hilaw na materyales sa mababang halaga at inaangkat natin ang mga yaring produkto sa mataas na halaga.  Napaka-agrabiado natin sa kalakalan ng tulad nito.

Magmula noon hangang ngayon, ang ating Pambansang Ekonomiya ay hindi nakawala sa ganitong uri ng kontrol, hindi lamang noon sa kamay ng mga Amerikano kungdi, kasama na rin ang iba pang “Kapitalistang mga bansa ngayon sa pagtulak nila at paglunok natin sa patakarang “GLOBALISASYON” na pinaiiral ang “FREE MARKET” at “FREE TRADE.”  Ang mga kapitalistang bansa sa pamamagitan ng kanilang “Lending Institusyon” ay mariing nagdikta sa mga bansang umuutang tulad ng Pilipinas na magbawas ng kanyang gastos, tulad ng pag-alis sa subsidiya; pribatisasyon ng mga industriya at serbisyo na pag-aari ng
ating gobierno; pag-alis ng pag-hihigpit sa pag-angkat at pagluluwas ng produkto; deregulation ng ating ekonomiya; at pagsulong ng Dayuhang Pamumuhunan at pagwalang halaga sa ating Piso upang palakasin ang pagluluwas at pahinain ang pag-aangkat ng produkto. Ang mga diktang ito ang kumitil sa sektor ng lokal na pagmamanupaktura; nagpataas ng presyo ng elektrisidad, ng gasolina, ng tubig, ng mga pangunahing bilihin at ang mga ito rin ang nakikitang dahilan ng iba't-ibang anyo ng kahirapan dito sa ating bayan.
  
Naging malinaw na ngayon na ang lahat na nabanggit na mga dikta sa atin ay naisabatas na o naging patakaran na rito sa ating bayan, gawa ng mga politikong ating niluklok sa kapangyarihan na akala natin ay makabayan. Ngunit noong sila ay tinimbang ng taumbayan parang kulang yata sila ng nasyonalismo o matindi yata ang naging paniniwala nila o nilamon na sila ng patakarang NEO-LIBERALISM. 

Ngayon higit natin kailangan ang mga Kilusang Makabayan na mag buklod-buklod upang isulong at itaguyod ang Pambansang Ekonomiya na dapat sana’y lumaya rin kasabay ng paglaya ng ating bayan noong Hulyo 4, 1946 sa kamay ng mga Amerikano.

Kumilos tayo! Mga “Makabayan” tulad ng pagkilos ng ating mga BAYANI noon dahil nasa kamay natin ngayon ang kinabukasan ng ating KABATAAN AT INANG BAYAN!

KUMILOS TAYO! UPANG MATAMO NATIN ANG TUNAY NA KALAYAAN, KALAYAAN HINDI LAMANG SA PAMAMAHALA NG ATING GOBIYERNO, KUNDI KALAYAAN DIN NG ATING PAMBANSANG EKONOMIYA SA DIKTA NG MGA MAYAYAMANG KAPITALISTANG BANSA!

ISULONG ANG NASYONALISMO SA LAHAT NG ANTAS NG ATING PAMAHALAAN! HUWAG TAYONG MAG-ATUBILI MAGSIMULA NG BAGONG PAGKILOS UPANG ISULONG ITO SA ATING BAYAN, DAHIL MASAMANG PABAYAAN ANG KINABUKASAN SAPAGKAT YAN AY NAKALAAN SA KABATAANG PILIPINO!



_________________________________________

Para sa bayan:

Leon Estrella Peralta
Founding Chairman
Political and Human Rights Advocate



No comments:

Post a Comment